Photo courtesy of Adobe Stock
Kaisa ako sa mariin na kumokondena sa ibinabang kautusan ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ipatigil ang operasyon ng Rappler. Malinaw na isa itong uri ng panggigipit sa karapatan sa malayang pamamahayag.
Tayo ngayon ay nasa isang napakahirap at mapagpasubok na panahon kung saan kaliwa't kanan ang pang-aabuso na natatanggap ng mga kapatid natin sa larangan ng Pamamahayag na walang ibang nais gawin kundi ang iparating sa ating lahat ang lehitimong balita. Kasabay nito ang laganap na pagpapakalat ng kasinungalingan dulot ng fake news at disinformation sa iba't ibang medyum na talaga naman sumisira sa mga pagpapahalagang Pilipino.
Sa kabila nito, patuloy natin imulat ang ating mga mata; panatilihing bukas ang mga tainga; at magkaroon ng kamalayan sa kung ano ang mga nangyayari sa ating lipunan. Hindi tayo pagagapi sa mga mapang-alipusta at ganid sa kapangyarihan!
(Opisyal na manipesto ni Darren Joe G. Follero hinggil sa kautusan ng SEC na ihinto ang operasyon ng Rappler noong Hunyo 29, 2022.)