Guro Noon at Ngayon: Sino ang Mas Napapanahon?

by - May 12, 2022

Photo courtesy of Times Higher Education

Bilang isang guro, napa-proud ako sa ipinakikitang pagtindig ng kabataan ngayon sa mga usaping panlipunan. Hindi ko ito gaanong nakita at naramdaman sa henerasyon namin na ipinanganak mula 1993-1995. Naging mulat kasi kami (ako, personally) sa isang uri ng edukasyon na nagdidikta sa kung ano ang dapat isipin at dapat ikonsiderang tama at mali. Malayong malayo sa klase ng edukasyon na meron ang kabataan ngayon. Noon, kapag ang isang bata pinasagutan ng isang mathematical equation, kahit tama ang lumabas na sagot, hindi tatanggapin ng guro kapag ibang proseso ang ginawa ng bata taliwas sa kung ano ang tinuro ng guro sa kanya. Noon din, kapag nagtuturo ng akdang pampanitikan si titser, ang dapat kilalanin na tamang interpretasyon ay 'yung galing kay titser at mali kapag may sariling interpretasyon ang bata lalo na kung taliwas ito sa paniniwala ng titser. Pero ngayon, mas humanistiko ang approach ng ilang mga makabagong guro. Siguro dahil noong sila pa ang nag-aaral, naranasan nilang patahimikin. Naranasan nila na ma-invalidate 'yung sarili nilang pamamaraan ng pagkatuto. Naranasan nila na diktahan kung ano ang dapat isipin at gawin. Kaya ngayon, nagiging bukás na sila sa pagtanggap ng mga saloobin ng kabataan. Kasi 'yun naman talaga ang tunay na layunin ng isang paaralan: na kasabay ng pagkatuto ng mga bata mula sa kanilang mga guro, dapat binubuksan din ng mga guro ang kanilang isip at damdamin na matuto mula sa mga karanasan at kuwento ng kanilang mga estudyante. Kasi ayon nga kay Paulo Freire na siyang sumulat ng Pedagogy of the Oppressed, ang edukasyon ay isang pagpapakita ng pagiging malaya, at ang edukasyon ay isa behikulo kung saan dapat isagawa ang malayang pagkilos at pagkakataon ng mga mag-aaral tungo sa kaunlaran ng kanilang kaalaman. At dito ako ngayon nanggagaling bilang isang guro. Tapós na tayo sa panahon kung saan si titser ang siyang nagdidikta sa mga estudyante kung ano ang dapat nilang paniwalaan. Panahon na para bigyan natin ng kalayaan ang mga bata na magdesisyon para sa kanilang kapakanan. Pero, naandyan pa rin ang pagsiguro na tayo ay nakaalalay at gumagabay sa kanila at napapanatili ang respeto at kabutihang asal sa pakikipagtalastasan sa kapwa. Dahil sabi nga ni Margaret Mead, "Children must be taught how to think, not what to think." Dahil ang pagiging isang guro ay hindi kailanman pagiging isang diktador o manipulator. Ang pagiging isang guro, lalo na sa panahon ng ika-21 siglo, ay tagapagpadaloy ng pagkatuto o learning facilitator ng mga bata na uhaw sa pagkatuto.

Hindi ba malaking kasiyahan sa isang guro na makita na nagkakaroon ng kritikal na pag-iisip ang kanyang mga estudyante? Kasi 'yun din naman ang dahilan kung bakit nagtuturo tayo at nag-aaral ang mga bata -- upang madagdagan ang kaalaman nila at magkaroon ng mahusay na paraan ng pag-iisip at pag-unawa sa mga nangyayari sa kanilang paligid. Pero bakit may iilan na mga guro na ginagawang katatawanan ang pagiging maalam ng kanilang mga estudyante? Masyado na raw genius. Ano bang gusto natin bilang mga guro? Na tayo lang ang maalam? Na tayo lang ang genius? Parang mali naman yata 'yun. Kung sa tingin mo nalilihis ng landas ang isang tao, kausapin mo nang maayos, hindi 'yung ipahihiya mo. Nakakalungkot lang isipin at napakahirap tanggapin na kung sino 'yung minsan mong tiningala bilang inspirasyon na maging kagaya nila, ay ngayon nangunguna na sa propaganda ng smart-shaming.

Kaya tuloy ako sa panawagan ko. Kung si Sara Duterte nga ang maging kalihim ng DepEd, nawa magdeklara na ng EDUCATION CRISIS. Ipanumbalik ang GMRC hindi lang bilang asignatura para sa mga mag-aaral. Bago i-implement ito sa mga bata, magkaroon muna ng mass training and workshop sa mga guro para bago sila humarap sa mga bata sa kani-kanilang klasrum, tayo mismong mga guro taglay din ang GMRC. 'Ika nga ng isang cliché, PRACTICE WHAT YOU PREACH. Hindi mo maituturo ang kabutihang asal sa iba kung ikaw mismo wala nito sa sarili mo.

You May Also Like

0 comments