Guro Para sa Bayan, Hindi Para sa Iilan Lamang

by - March 27, 2020

Children inside a classroom
Photo courtesy of Avel Chuklanov


Bilang guro, hindi dapat tayo maging alipin ng isang politikal na ideolohiya. Bagkus, dapat tayo ay para kay Inang Bayan.

Sabi nga ni Dr. Madonna C. Gonzales ng PNU-North Luzon, “Bilang isang guro, maging tunay na halimbawa tayo ng isang mabuti at responsableng mamamayan.” Ngunit, papaano nga ba maging magandang ehemplo ng isang mabuti at responsableng mamamayan?

Una, maging masunurin. Sumunod sa derektiba ng pamahalaan at ng mga kinauukulan. Para rin naman ito sa ikabubuti ng lahat.

Pangalawa, maging mapanuri. Obserbahan ang nangyayari sa paligid. Pakiramdaman ang bawat bagay na nagaganap. Bago mamahagi ng impormasyon sa kapwa, tiyakin munang nanggaling ito sa mapagkakatiwalaang hanguan.

Pangatlo, maging kritikal. Kapag may nakitang mali, itama. Huwag basta-bastang manghusga ng kapwa. Lahat tayo ay nagkakamali. Imbes na ipahiya, tulungan ang kasangkot. Magbigay ng constructive criticism. Huwag manira ng kapwa.

Pang-apat, maging mahinahon. Huwag maging aligaga. Isipin ang dapat gawin. Pakalmahin ang sarili habang nagbibigay ng reaksyon, komento, o panukala kung paano mapabubuti ang sitwasyon. Piliin ang angkop na salitang gagamitin para hindi makasakit ng damdamin ng iba.

Panlima, maging malay. Buksan ang mga mata sa tunay na nangyayari. Kung may nakikitang hindi kanais-nais, maging bahagi ng solusyon. Huwag lang gawing paksa ng kwentuhan. Magbigay-aksyon depende sa kakayahan. Kung hindi kaya, huwag ipagpilitan. Humingi ng tulong sa mas may kakayahan.

Pang-anim, maging responsable. Bawat isa ay may tungkulin sa kapwa. Maging sandigan ng bawat isa. Magtulungan at magbigayan. Kung anong meron ka na kayang ipamahagi sa iba, huwag mag-atubiling tumulong.

Pampito, maging masunurin. Sumunod sa derektiba ng pamahalaan at ng mga kinauukulan. Para rin naman ito sa ikabubuti ng lahat.

Pang-walo, maging maunawain. Hindi ka perpekto. Gayundin ang pamahalaan. Lahat ay may kakulangan at kalabisan. Imbes na kagalitan, unawain at saka magbigay ng maaaring solusyon sa problemang kinahaharap. Maging bahagi ng solusyon, huwag ng problema.

Pansiyam, maging mapagkumbaba. Kung may nagawang mali, aminin na nagkamali. Gamitin ang pagkakamaling nagawa upang makabawi. Hindi kabawasan ng pagkatao ang pag-amin ng pagkakamali.

Pansampu at pinakamahalaga, maging mapagmahal. Lahat ng mabuting kaugalian ay nagsisimula sa pag-ibig. Kapag marunong kang magmahal, lahat ng ito ay susunod nang kusa. Sabi nga ng Panginoong Hesukristo, mahalin natin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. Walang suliranin ang hindi naaayos nang dahil sa pag-ibig. Ang pag-ibig ang ugat ng lahat ng kabutihan sa mundo. Kung lahat ay matututong magmahal ng kapwa, mas mapadadali ang pagsasaayos ng mga mali.

(circa 2020, March 27)

You May Also Like

0 comments