Huling Araw ng Agosto
![]() |
Photo courtesy of Austin Nicomedez |
Huling araw na ng buwan ng Agosto. Huling araw ng tinaguriang Buwan ng Wika.
Sa mga nakalipas na araw at linggo, naging aktibo ako sa paglahok sa mga isinagawang pagpupulong at hakbangin ng aming alyansa para sa iisang adhikain – ang tutulan ang pagtatanggal ng mga asignaturang Filipino sa kolehiyo sa bisa ng CHED Memorandum Order No. 20 at ang pagsusulong para sa makabayang edukasyon.
Mula sa midya porum sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, sa isinagawang malawakang pistang protesta sa Mendiola, paglilikom ng mga lagda para sa mga deklarasyon ng pakikiisa, hanggang sa porum sa Unibersidad ng Santo Tomas, masasabi kong malayo na ang nararating ng aming alyansang TANGGOL WIKA.
Pinagsama-samang pwersa mula sa iba’t ibang organisasyong pang-wika, pamantasan, unibersidad, lupon ng mga kabataang Pilipino, dalub-guro, propesyunal, at makabayang Pilipino mula sa iba’t ibang sulok ng bansa at sa buong mundo – ito ang sandigan ng bawat isa. Sandigan na siyang nagpapanatili sa isang matibay na samahan para sa iisang layunin.
Ngayon, kahit pa magwawakas na ang Buwan ng Wika, hindi pa rin natitinag ang aming kagustuhang tutulan ang pag-aalis ng asignaturang Filipino sa kolehiyo at sa pagkakaroon ng isang uri ng edukasyong makabayan. Hindi natatapos ang aming pagiging Pilipino. Panghabang-buhay naming ikararangal ang pagiging Pilipino. Kaya umasa kayong hindi kami titigil sa pakikipaglaban para sa wikang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa ating lahi.
Bilang isang ordinaryong Pilipino, nais kong hingiin ang suporta ng bawat isa, lalung-lalo na ang mga kabataang Pilipino na simulan natin sa ating mga sariling grupo at kaibigan ang pagpapalaganap ng pagiging isang makabayang kabataang Pilipino.
Patunayan natin sa ating mga magulang at sa lahat ng mga nakatatanda na tunay ngang tayo ang natatanging pag-asa ng bayan. Nasa ating mga kamay ang pag-unlad na ating nais matamasa. Magkapit-bisig tayo para labanan ang mga tao na siyang naghahangad ng masasamang bagay sa ating Inang Bayan.
Wakasan na natin sa ating mga sarili ang ideya ng neokolonyalismo. Panahon na para tayo naman ang pakinggan. Tama na ang pagbubulag-bulagan. Ipaglaban natin ang dapat ipaglaban. Huwag nating hayaang ma-balewala ang mga nai-ambag ng ating mga ninuno para magkaroon ng kasarinlan ang ating bayan.
Kung hindi tayo ang kikilos, sino? Kung hindi tayo ngayon aaksyon, kailan pa? Huwag nawa nating hintaying maulit ang pahina ng kasaysayan. Huwag nating hayaang magpa-alipin muli sa mga ganid sa kapangyarihan.
Huwag nating isiping kabaliwan ang pakikipaglaban para sa kapakanan ng bayan. Alisin na natin sa ating isipan ang ideyang maka-dayuhan. Panahon na para paigtingin ang ningas ng pagka-makabayan. Isapuso natin ang ating pagkamaka-Pilipino. Huwag nating hayaang lamunin tayo ng kanser na siyang unti-unting nagpapabagsak sa bawat isa sa atin.
Kumilos tayo na taas-noong hinaharap ang mga nagsisilbing hadlang sa tunay na tuwid na landas.
Bilang Pilipino, karapatan mong mangialam sa kung anong nangyayari sa iyong paligid. Ikaw, ako, kayo, tayong lahat ang tanging makaka-resolba sa problemang ito.
Sa puntong ito, nais kong hamunin ang lahat ng mga lider at namumuno sa Komisyon ng Mas Mataas na Edukasyon, sa pangunguna ni Dr. Patricia B. Licuanan, na nawa ay maglabas na ng desisyon ukol sa isyung ito. Huwag sana ninyong isawalang-bahala ang mga pagkilos at aksyong aming isinagawa para sa Wikang Pambansa. Kung tunay kayong may malasakit para sa bayan, dapat simulan ninyo ang pagbibigay-malasakit sa wikang siyang nagpapaalab ng inyong pagka-Pilipino.
Karuwagan ang hindi pagbibigay-kahalagahan sa sariling wika. Ani Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay mas masahol pa sa amoy ng malansang isda.” Sabi pa ni Jose Rizal sa kanyang nobelang El Filibusterismo, “Ang isang bayan na may kinikilalang sariling wika ay isang malayang bayan.”
Huwag ninyong alisin ang pagkamaka-Pilipino ng mga kabataan. Hindi ito susi sa kaunlaran. Ang bayang may pagmamahal sa sariling wika ay bayang makatatamasa ng kaunlaran. Matuto tayong magmahal ng sariling atin bago tayo tumangkilik ng gawa ng ibang lahi.
Para naman sa mga kapwa ko tagapagtanggol ng Wikang Filipino, huwag tayong tumigil. Ipagpatuloy natin ang ating mga nasimulan na. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Buong loob at puso nating harapin ang mga balakid sa ating landas, maging buhay man ang kapalit. Masisilayan rin natin ang liwanag ng tagumpay na siya ring magbibigay kaliwanagan sa isipan ng bawat isa. Manalig tayo at maging matyaga. Patuloy nating kalampagin ang mga kinauukulan. Huwag tayong magsawa sa pakikipaglaban para sa Wikang Filipino at sa ating mahal na bansang Pilipinas!
A luta continua! Tuloy ang laban!
(circa 2015)
0 comments