Tatlong Linggo ng Kasawian: Kalunos-lunos na Implikasyon ng COVID-19 sa Isang Guro
![]() |
Photo courtesy of Frosina Polazarevska |
Mahigit tatlong linggo na rin ang nagdaan nang simulang isuspinde ng pamahalaan ang pasok sa trabaho at paaralan alinsunod sa pagdideklara ng Community Quarantine sa buong National Capital Region na ‘di-naglaon ay itinaas sa Enhanced Community Quarantine sa buong isla ng Luzon. Ang hakbang na ito ng Pamahalaan ay hinggil sa malawakang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 o mas kilala sa tawag na COVID-19.
Hindi biro ang sakit na ito. Ang COVID-19 ay makabagong uri ng isang respiratory disease na dulot ng coronavirus na kapareho ng mga sakit na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong 2003 sa China at Middle-East Respiratory Syndrome (MERS) noong 2012 sa Gitnang Silangang Asya. Kaya noon pa lang Enero ng taong ding ito, nang naitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bansa, nakita ko na ang posibilidad na humantong sa ganito ang mga sitwasyon. Kakaibang pakiramdam ang aking nadama nang nabalitaan ko ang unang kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Naalala ko noon araw na iyon. Nasa isang seminar kami noon ng aking mga kasamahang guro. Napahinto kami nang bahagya nang nabalitaan namin ito. Nangamba at tila ba hindi alam kung anong gagawin. Makalipas ang isang buwan, nangyari na nga ang kinatatakutan.
Upang masigurong hindi kumalat ang sakit, minabuti ng pamahalaan na isa-ilalim ang buong isla ng Luzon sa Enhanced Community Quarantine. Ibig sabihin nito, magiging limitado ang galaw ng mga tao. Dahil dito, awtomatikong sinuspinde ang pasok sa mga pampubiko at pampribadong kumpanya at paaralan maliban na lang sa mga ahensya na direktang may tungkulin hinggil sa usaping pangkalusugan at panseguridad. Isang pagbabago na hindi inaasahan ng nakararami.
Sa loob ng mga araw na ito, walang akong ibang nararamdaman kundi ang pinaghalong matinding pagkabagot at pagkabahala. Nababagot ako sapagkat hindi ako sanay na hindi ginagawa ang mga nakasanayan nang gawin. Ako ay isang guro at simula pa nang ako’y nasa elementarya pa, wala na akong ibang pinangarap kundi ang magturo. Ito, para sa akin, ay ang pinakanatatanging pangarap ko sa buhay. Kailanman, hindi ko nakita ang aking sarili na magtrabaho sa loob ng opisina o hindi kaya sa loob ng pagamutan. Paaralan ang siyang itinuturing kong tahanan. Kapag wala ako sa paaralan, matinding kalungkutan ang aking nadarama. Sabik na sabik na akong bumalik sa kanlungan ng aking minamahal. Sa kabilang banda, nababahala ako sa kung ano pa ang maaaring mangyari sa mga susunod na araw. Kailan kaya huhupa ang lahat? Kailan manunumbalik sa normal ang pamumuhay ng lahat? Mga tanong na tila ba hindi mahanapan ng tiyak na sagot; mga tanong na masasagot lamang kapag naririyan na. ‘Ika nga nila, we will cross the bridge when we get there.
Sa gaya kong walang ibang gustong gawin kundi ang mamalagi sa paaralan at magturo ng kanyang mga mag-aaral, isang kalunos-lunos na kaganapan ang biglaang pagbabago sa nakasanayang gawin. Nami-miss ko nang magturo. Sabik na akong makitang muli ang mga estudyante ko. Nami-miss ko na ang mga talakayan namin sa loob ng klasrum. Nami-miss ko na ang lahat sa pagtuturo!
Kaya naman, hindi ako nag-atubiling humanap ng maaaring gawin upang maipagpatuloy ang bagay na minamahal ko. Kaya naman, gaya ng iba pang mga guro, sinubukan kong idaan sa online platform ang aking pagtuturo. Hindi na ito bago sa akin sapagkat sa institusyon na aking kinabibilangan, gumagamit na kami ng e-Learning noon pa man. Nagkataon na ngayon ko lang masusubukan ang magklase o magturo na ang kaharap ay ang aking cellphone habang nanonood ang aking mga estudyante. Hindi kasing epektibo ng face-to-face instruction pero pwede na ring pagtiyagaan. Pansamantala lang naman. Ngunit, gaya ng ibang bagay, lahat ay may wakas. Nagkataon na ang paggamit ng online classes/lectures ay agad naman ipinahinto sa kadahilanang hindi lahat ng mag-aaral ay may mabilis na access sa internet at may sapat na kagamitan para sa ganitong uri ng pagkatuto. Kaya ang kaunting pag-asa na maisagawa ang iniibig gawin ay unti-unting naglalaho. Wala akong magagawa kundi ang sumunod at huminto sa pagbibigay ng angkop na kaalaman sa mga estudyante ko. Sobrang lungkot ang naramdaman ko. Kaya nga, nakapag-post ako nang ganito sa aking Facebook:
Mukhang unti-unti nang nagdideklara ng pagsuspinde ng online activities ang mga paaralan. Wala tayong magagawa kung iyan ang kanilang desisyon. Para rin sa ikabubuti ng lahat.
Sa ngayon, ibigay na sa mga magulang bilang stakeholder ang kapangyarihan at kasiguraduhang maipagpapatuloy ang pagkatuto ng kani-kanilang mga anak. Turuan niyo po ng mga life skills ang mga anak ninyo. Simulan niyo na pong turuan silang maghugas ng pinggan, magwalis, maglaba, at magluto. Kasabay nito, pakituruan na rin po sila ng GMRC. Pinakamahalaga, kumustahin niyo sila. Ito ang pinakamainam na pagkakataon na magkakilanlan muli kayo. Yapusin ninyo ang pagkakataong ito na manumbalik ang pagiging malapit ninyo sa isa’t isa. Magkumustahan kayo. Punan lahat ng mga pagkukulang sa inyong mga anak. Pagkakataon na para bumawi kayo. Ibigay ang dalawang natatanging bagay na napakahalaga sa kanila – oras at pagmamahal.
Sa mga mag-aaral, makipagkuwentuhan sa inyong mga nanay at tatay, ate at kuya, lolo’t lola, tito at tita, at mga pinsan. Maglaro kayo ng mga larong pambahay. Tanungin ninyo sina mama’t papa tungkol sa una nilang pagkikita. Hingian ninyo sina lolo’t lola ng advice kung paano patatagalin ang relasyon ninyo ni jowa.
Sa mga panahong ‘gaya nito, mas mahalaga ang matututuhan ninyo habang kasama ang mga taong tunay na nakaiintindi sa inyo. Panahon din ito upang magnilay. Itanong sa sarili: “Ano na nga ba ang nagawa ko sa kapwa ko? Nagsilbing biyaya ba ako sa kapwa ko? Kung nakagawa man ako ng mali sa iba, paano ako makababawi? Ano pa kaya ang maaari kong gawin para maging kaiga-igayang mabuhay sa mundong aking kinagagalawan?”
At nawa, kapag nanumbalik sa normal ang mga nangyayari, maisapuso natin at mapagtanto natin na bawat isa ay mahalaga. Sa pagkikita-kita nating muli, nawa maibulalas ng inyong mga labi habang nakangiti na: “Kaysarap matuto!!!”
Ang tanging hiling ko lang talaga na sana sa kabila ng mga nangyayari ngayon, nawa hindi mawalan ng interes ang mga estudyante ko na matuto. Kahit hindi na sa mga asignaturang tinuturo ko. Kahit sa mga nangyayari na lang ngayon, nawa may makuha silang aral sa tulong na rin ng paggabay ng kanilang mga magulang, kapatid, at iba pang mga kamag-anak.
Hindi ko alam kung hanggang kailan pa ito. Ang tanging panalangin ko ay nawa matapos na ang suliraning ito na kinahaharap hindi lang ng Pilipinas, kundi ng buong mundo. Ang nangyayaring ito ay may dahilan. Kinakailangan lang natin mapagtanto ang tunay na rason kung bakit natin nararanasan ang ganito.
Sa mga estudyante ko, kung nababasa niyo man ito, gusto ko lang iparating sa inyo na miss na miss ko na kayo. Hindi na ako makapaghintay na magkita-kitang muli tayo at nawa, kapag dumating na ang panahon na manumbalik sa normal ang lahat, sana makita ko ang mga ngiti sa inyong labi at malaman kong hindi nasayang ang mga araw na hindi tayo nagkasama dahil sa kabila ng lahat, may natutuhan kayong kakaibang aral na kayo lamang ang siyang makaaalam.
0 comments