Saludo Ako Sa’yo, Titser!

by - December 19, 2013


Inhinyero, doktor, nars, abogado, arkitekto – ilan lang yan sa mga propesyong nais makamit ng mga kabataan. Pero malimit nating marinig na isagot ng mga bata kapag tinatanong natin sa kanila kung anong pangarap nilang maging pagtanda nila na gusto nilang maging isang guro.

Ang aking pangarap noong bata pa ako ay maging isang inhinyero, gaya ng nais ng ibang mga batang lalaki. Ngunit, nagbago ang lahat noong ako’y nasa aking ikaapat na taon sa elementarya.

Gusto kong maging isang guro.

Hindi ko alam ang dahilan kung bakit nagbago ang aking pangarap. Basta wala na akong ibang inisip na kurso na aking kukuhanin kapag ako’y nag-kolehiyo kundi ang kursong nababagay sa isang guro.

Sa taong ding ito nagsimula ang paglalaro ko ng titser-titseran, kung saan ako’y nagkukunwari na isang guro na nagtuturo sa mga “di-nakikitang” mag-aaral. Hahahah! Ang nakakatawa pa rito, mayroon akong class record kung saan nakasulat ang mga pangalan ng aking mga kamag-aral!

Mukhang baliw pero sadyang totoo. Kahit tanungin niyo pa ang mga kamag-anak ko. Hindi ko alam kung ito’y sadyang normal sa isang kagaya ko na nais maging guro balang araw o kung talaga bang ako’y baliw na. Sabi nga sa akin ni Nanay, “Aba! Baka sa kagaganyan mo, hindi mo mamalayan may sumasagot na sa’yo.”

Isipin mo nang ako’y isang baliw. Ngunit para sa akin, hindi ito kahibangan. Oo. Hindi normal sa isang tao, lalo na sa isang kagaya ko ang magsalita (na parang isang guro) nang wala namang ibang tao kundi ang sarili lang. Pero, dito ako masaya.

Sinasabi na ang pagiging guro ay ang pinaka-marangal ngunit ito rin ang pinaka-mahirap na propersyon sa buong mundo. Totoo nga naman. Mahirap ang maging isang guro. Nakita ko ito sa aking mga naging guro.

Hindi biro ang maging isang guro. Napakarami mong dapat isakripisyo alang-ala sa iyong propesyon.

Hindi niyo ba naiisip ang dahilan kung bakit napakaraming guro ang tumatandang dalaga/binata? Para sa akin, dahil mas pinili nilang huwag nang mag-asawa para maibigay nila ang buong buhay nila sa pagtuturo.

Mayroon namang mga guro, lalo na sa mga pampublikong paaralan, na tinitiis ang gutom para lang magamit sa pagbili ng mga karagdagang gamit na gagamitin ng kanyang mga tinuturuan.

Halos hating-gabi na rin kung matulog ang mga guro. Alam niyo ba kung bakit? Dahil sa pagre-record ng mga iskor ninyo at dahil sa paggawa ng mga kailangan niya sa pagtuturo kinabukasan para lang mas maintindihan ninyo ang mga ituturo niya. Pero, sa kabila ng gabi-gabi nilang pagpupuyat, gumigising pa rin sila para lang pumasok sa paaralan nang hindi ninyo alintana ang antok sa kanilang mga mata.

Lahat ng bagay gagawin ng mga guro para lang sa ikabubuti ng mga batang kanilang tinuturuan. Handa silang ibigay ang buong oras nila para lang maintindihan ninyo lahat ng kanilang tinuturo at para makapasa kayo sa mga eksamen.

Akala ng mga mag-aaral, kapag sila ay bumagsak sa kanilang asignatura ay nagagalit sa kanila ang kanilang mga guro. Mali kayo ng iniisip. Sila ay nalulungkot at tinatanong sa sarili kung saan sila nagkulang.

Pero sa kabila ng lahat ng hirap na napagdaraanan ng mga guro, binabale-wala pa rin ito ng iba.

May ibang mga magulang na hindi man lang napapahalagahan ang mga ginagawa ng mga guro sa kanilang mga anak na kung pagsalitaan na lang nila ng mabibigat na salita eh ganun-ganun na lamang. Hindi niyo man lang inisip kung gaano kahirap humawak ng di-bababa sa tatlumpung estudyante araw-araw.

Pasalamat na lamang po tayo na hindi sinasaktan ng mga guro ang inyong mga anak. Oo, aminado naman tayo na mayroon pa ring mga guro ang hindi naku-kontrol ang kanilang mga sarili at nasasaktan nila ang inyong mga anak, pero sana naman po huwag natin agad husgahan ang mga gurong ito. Tao din sila tulad natin. Nasasaktan. Napapagod. Alam niyo, kung sila lang ang masusunod, matagal na nilang piningot ang tenga ng inyong mga anak sa twing sila'y nagagalit sa mga ito. Ngunit, hindi nila ito magawa dahil mahal nila ang inyong mga anak at saklaw sila ng Code of Ethics of Professional Teachers na tinatawag. Kung may hinanaing kayo sa kanila, kausapin niyo sila ng maayos hindi yung mumurahin niyo sila sa harap ng inyong mga anak.

Ang tanging nais lang naman ng mga guro ay bigyan sila ng respeto tulad ng respetong ipinapakita nila sa mga magulang ng kanilang mga pangalawang anak.

Walang taong magtatagal sa pagiging guro. Kahit siguro kayo, hindi ninyo kakayanin ang trabaho ng isang guro. Kung alam niyo lang ang lahat ng pinagdaanan nila para lang maging isang matagumpay na guro. Nag-aral sila ng halos apat na taon sa kolehiyo hindi para makatanggap ng masasakit na pananalita, mga mura at iba pang uri ng mga kasamaan, kundi para maging instrumento ng Diyos sa pagbibigay ng kaalaman sa mga kabataan na siyang pinaniniwalaan natin na pag-asa ng ating bayan.

Kung walang guro, huwag na tayong umasang uunlad pa ang ating bayan. Sila ang siyang nagpapakahirap at ang dahilan kung bakit mayroon tayong mga ibang propesyunal na siyang katuwang natin sa pagpapa-unlad ng ating bansa.

Tunay ngang maituturing na hero o bayani ang mga guro. Wala man silang supernatural powers ngunit mayroon silang Diyos na siyang kanilang pinanghahawakan at handang tumulong.

Sana bigyan natin ng halaga ang lahat ng mga guro natin kahit pa minsa'y napapagalitan nila tayo. Nagagawa lang naman nila iyon dahil gusto nilang magbago tayo at matuto tayo upang maging matagumpay sa kung ano man ang landas na ating tatahakin.

At sa mga guro naman, huwag tayong huminto sa pagbibigay inspirasyon sa mga kabataan. Kayo ang katuwang ng mga magulang sa paghuhubog sa kanilang mga anak. Kung wala kayo, hindi magkakaroon ng pag-unlad ang sambayanan.

Isang maligayang pagdiriwang ng buwan ng mga guro!

Saludo ako sa'yo, titser!

You May Also Like

0 comments