Isang Pagdalumat sa Kasalukuyang Estado ng Edukasyon sa Lente ng Iba't Ibang Pilosopikal na Pananaw

by - April 23, 2021

Photo courtesy of Ivan Aleksic

Sa huling bahagi ng 2019, nagsimulang umugong ang usap-usapan tungkol sa panibagong strain ng sakit na Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS. Pagpasok ng 2020, nagimbal ang lahat sa unti-unting pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19. Hindi naglaon, napakaraming sektor na ang matinding nakararanas ng masamang epekto ng sakit na ito. Hindi nakaiwas dito ang sektor ng edukasyon. Dahil sa pangamba ng lahat, lalong lalo na kaugnay sa kalusugan ng mga mag-aaral, minabuti ng Kagawaran ng Edukasyon na ikansela ang mga klase, alinsunod na rin sa direktibang ibinaba ng Malakanyang hinggil sa pagsasailalim ng Kalakhang Maynila sa Enhanced Community Quarantine o ECQ. Nagkaroon ng biglaang pagbabago sa educational set up dahil sa pandemya. Mula sa tradisyunal na pagtuturo at pagkatuto, napalitan ito ng tinatawag na distance teaching-learning experience. Napakalaking pagbabago ito sa nakasanayan, lalo na ng mga paaralan na hindi gaanong nasanay sa paggamit ng teknolohiya sa mga nagdaang taon.

Edukasyon. Ano nga bang tunay na kahulugan nito? Mayroon nga bang tiyak na depinisyon ang salitang ito? O dumidepende sa isang indibidwal kung paano niya nakikita ang tunay na halaga ng konseptong ito?

Marahil ang ilan ay naniniwala sa cliché na ang edukasyon ay ang siyang susi patungo sa inaasam na tagumpay ng isang tao. Maraming artikulo ang nagpapatunay kung paanong naging pangunahing susi sa tagumpay ang edukasyon. Nagbanggit ng ilang mga dahilan ang University of the People (2021), ang kauna-unahang libre at accredited na online university sa mundo, na nagpapatunay sa ideyang ito hinggil sa edukasyon. Ayon sa kanila, isa sa mga dahilang ito ay sapagkat nakatutulong ang edukasyon sa pagkakaroon ng control ng isang tao sa kanyang buhay. Sa paniniwala ni Simone de Beauvoir, isang sikat na pilosopong Pranses, “Humans are boarn free and thrown into existence without a divine plan.” Ito ang nagsisilbing ugat ng ideolohiyang existentialism. Ang existentialism para sa kanya, batay sa kanyang aklat na The Ethics of Ambiguity, ay nagpapatunay na ang tao ay may angking kalayaan at ito ay nilalahukan ng lohika ng reciprocity at responsibility na nagkukuwestyon sa mga kasindakan sa mundo na pinamamahalaan lamang ng mga makapangyarihan (Stanford Encyclopedia of Philosophy, 2004; 2020). Kung iuugnay ang edukasyon sa pilosopiyang existentialism, ipinakikita lamang nito na ang bawat isa ay may kakayahang baguhin ang takbo ng kanilang buhay para sa mas makabubuti sa tulong ng edukasyon kanilang nakukuha mula sa mga paaralan.

Ang kilalang edukador at theorist na si John Dewey ang isa sa pinakatanyag pagdating sa progresibong pananaw sa edukasyon. Para sa kanya, ang mga mag-aaral ay nangangailangang personal na maranasan ang iba’t ibang gawaing pagkatuto upang maging holistiko ang kanilang pagkaunawa sa mga araling kanilang dapat matutuhan. Ito ay nakaugat sa pilosopiyang progressivism sapagkat pinaniniwalaan ng mga progressivist na may tatlong mahahalagang elemento na siyang dapat magkaroon ng interaksyon upang maging epektibo ang proseso ng pagkatuto – pansariling katangian, pag-unlad, at pagbabago. Ang ganitong uri ng pananaw ay sumisentro sa mga pangangailangan, karanasan, interes, at kakayahan ng mga mag-aaral. Paniniwala ng mga progresibo na mas natututo ang isang mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga mahahalagang bagay sa kanyang buhay. Ang ganitong uri ng pananaw sa edukasyon ay nangangailangang bumuo ng mga gawaing pagkatuto ng mga mag-aaral na hindi lamang naglalayong makabisado ng mga mag-aaral ang mga konseptong kailangan nilang matutuhan. Bagkus, mas madali nilang matututuhan ang mga aralin sa klase kung lalapatan ito ng mga kongkretong halimbawa na sumasalamin sa tunay na nangyayari sa kanilang kapaligiran. Sa ganitong uri ng set up, kinakailangang gamitin ng mga mag-aaral ang kanilang kasanayan sa malalimang pagtugon sa mga suliranin at kritikal na pag-iisip upang magresulta ito sa pagkatuto. Sa ganitong paraan, mas maihahanda ng mga paaralan ang mga mag-aaral na harapin ang tunay na mundo at ang maaari nilang kaharaping mga kabiguan sa buhay.

Isa pang lente na maaaring gamitin ng mga paaralan sa paglutas ng mga suliraning kinahaharap ng lipunan ngayon ay ang humatistikong pananaw. Isa sa mga paniniwala ng isang humanistikong guro na ang kaalaman at damdamin ay magkatuwang upang maisagawa nang mahusay at epektibo ang proseso ng pagkatuto. Ang pilosopiyang humanism ay ipinakilala sa larangan ng edukasyon ni Jean-Jacques Rousseau at Johann Heinrich Pestalozzi. Binigyang-pansin nila na ang natural na kabutihang-loob ng mga tao, pag-intindi gamit ang mga pandama o senses, at edukasyon bilang prosesong hindi minamadali  na sinusundan ng pag-unlad ng pagkatao ay nagreresulta sa tunay na kalikasan ng pagiging isang tao. Pinatutunayan lamang ng pananaw na ito na sa pagharap ng mundo sa suliraning dulot ng pandemya, kinakailangang pagtuunan ng pansin ang sosyal, emosyonal, at kognitibong kapakanan ng mag-aaral. Napakalaking epekto ng pandemya sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao. Hindi nakaiiwas dito ang mga guro at lalong lalo na ang mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng humanistikong pagtingin, sinisiguro ng mga paaralan na malayo sa ano mang uri ng kapahamakan ang mga mag-aaral at binibigyan ng halaga ang kanilang emosyonal na kapakanan, ang proseso ng pagkatuto, at higit sa lahat, ang pansariling katuparan.

Para sa akin, ang pangunahing gampanin o layunin ng edukasyon ay ang maipamalas sa lahat ang mga kinakailangang kaalaman na dapat makuha ng mga mag-aaral na maaaring makatulong sa kanilang pagharap sa realidad ng mundo. Hindi lamang dapat nakabatay sa mga araling makikita at mababasa sa mga aklat ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Ipinakikita dapat ng edukasyon ang tunay na nangyayari sa lipunan at hinahayaang makisangkot ang lahat sa mga sosyo-politikal na usapin sapagkat lahat tayo ay may gampaning panlipunan. Ang konsepto ng edukasyon sa makabagong panahon ay dapat mapagbago. Nakapagdudulot dapat ito ng magandang pagbabago hindi lamang sa personal na buhay ng isang tao, ngunit dapat ito rin ay nakaaapekto sa buhay ng iba sa mabuting pamamaraan. Dito papasok ang kahalagahan ng transformative education. Ang ganitong uri ng pagtingin sa edukasyon ay nakasentro sa kahalagahan ng kolaborasyon sa mga mag-aaral at sa kakayahang makapagdulot ng magandang epekto sa buhay ng iba. Ayon kay Edmund O’Sullivan (2003), ang ganitong uri ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng pagbabago sa kamalayan na hinggil sa kung anong tungkulin mayroon ang isang tao sa mundong kanyang kinabibilangan. Makakamit lamang ang pagbabagong ito kung may taglay na pag-unawa ang mga tao sa kanilang sarili at sa kanilang kinalalagyan. Malaking bahagi rin nito ay ang relasyon ng mga tao sa kapwa nila at ang pagtanggap sa pagkakaiba nila sa maraming aspekto gaya ng sa paniniwala, kasarian, lahi, at mga kaugalian.


Sanggunian:

https://www.uopeople.edu/blog/top-8-reasons-why-education-is-the-key-to-success/

https://plato.stanford.edu/entries/beauvoir/

http://ethicsofisl.ubc.ca/?page_id=390


You May Also Like

0 comments