Pagmumuni sa Kalaliman ng Gabi
![]() |
Photo courtesy of Noah Silliman |
Gabi na naman. Ito marahil ang pinakapaborito kong bahagi ng buong araw. Payapa. Tahimik. Walang ibang naririnig kundi ang paggalaw ng mga kamay ng orasan. Sa mga ganitong tagpo, bumabalik sa isip ang mga nangyari sa maghapon. Gumising nang maaga. Uminom ng mainit na kape habang nakaharap sa kompyuter para gawin ang mga nakatakdang gawain para sa araw na ito nang hindi namamalayan ang mabilis na takbo ng oras.
Napakarami nang nagbago. Mga pagbabagong dala ng kalabang hindi nakikita. Marami ang nawalan at patuloy na nawawalan ng pagkakakitaan. Ang mga maysakit noon ay unti-unti nang nanghihina. Ang dating malaya, ngayon ay mistulang bilanggo. Umaasa na lang sa tulong na hindi kailanman matanaw nang malapitan. Tila isang batang inabanduna ng kanyang ina’t ama. Pilit na kumakapit ngunit mga paa'y nasa bingit ng malalim na bangin.
Pahinga. Kailangan ng bawat isa ang huminga. Makawala sa mga alalahanin na walang ibang iniisip kundi masasayang alaala. Mga gawi na dati'y nakasanayan, ngayon ay hindi na magagawa. Ginapos ang mga kamay. Binusalan ang bibig. Piniringan ang mga mata. Ngunit, mga tainga'y nananatiling bukas. Pilit na pinakikiramdaman ang bawat pagkilos sa paligid. Dapat maging mapagmatyag sapagkat sa isang iglap, ang dating mapayapa ay bubulabugin ng isang malakas na panaghoy.
Kailan nga ba ang katapusan ng lahat ng pasakit? Kailan muling masisilayan ang pagsilang ng bagong pag-asa? Tuwing gabi na nga lang ba habang ang kalangitan ay nababalot ng karimlan?
12:00 n.u., 12 Agosto 2020
1 comments
Totoo ngang maraming nagbago sa mundo dahil sa pandemyang ating nararanasan pero huwag tayong makakalimot na ang mga pangako ng Panginoon ay 'di kailanman magbabago. God bless you, Titser Di!
ReplyDelete